Lahat tayo ay nagmamahal pero hindi lahat ng nagmamahal ay nagiging masaya. Dalawang bagay lamang ang dulo ng bawat umiibig, ang kabiguan at tagumpay.
Sa pagpasok sa relasyon hindi maiiwasan ang mga komplikadong sitwasyon na hindi nagtutugma sa bawat kagustuhan ng magkasintahan. Madalas, nauuwi sa hiwalayan.
Ang bawat isa na nakaranas ng kabiguan sa pag-ibig ay walang ibang hangad kundi ang makalimot at maka-recover sa madilim na kahapon ng isang relasyon.
May mga yugto upang makalimot.
Denial
'Yung tipong niloko at hiniwalayan kana pero naniniwala ka pa din na mahal ka pa rin niya. Na kaya lang niya nagawa sa'yo 'yun dahil iniisip mo na may pagkukulang ka.
Nararamdaman mo ito, dahil mahal mo pa siya. Kaya kahit hiwalay na kayo todo stalk ka pa din sa kanya. Nakikibalita ka parin sa mga kaibigan niya kung kamusta na siya.
At sa bawat araw na lumilipas iniisip mo kung i-aapproach mo ba siya o makikipagbalikan ka sa kanya. Tandaan mo, 'wag mong ipilit ang sarili mo sa taong hindi kana gusto.
Angry
Ito ang mga panahon na itinatanggi mo sa iba at sa sarili mo na mahal mo pa siya. Kung noon na bago pa lang ang hiwalayan niyo ay nakararamdam ka ng pagkamiss sa kanya at naaalala mo ang mga masasayang karanasan n'yo, ngayon ay hindi na.
Mas mahigit na nangingibabaw sa'yo ang mga ala-ala ng pagtatalo n'yo, hindi pagkakasundo, at pag-aaway. Isisisi mo sa kanya lahat ng mga hindi magagandang nangyari sa buhay mo noong panahon na nasa relasyon pa kayo.
Makararamdam ka na ng galit sa kanya. Pero sa kabila nun iniisip mo pa rin na nasa mabuti din siyang kalagayan tulad mo. Hinihiling mo na sana ay nasa proseso na din siya ng paglimot.
Acceptance
Sa madaling salita, tanggap mo na hindi talaga kayo para sa isa't-isa. Iisipin mo na may mga bagay sa mundo na kailangan nating dumaan sa mga malulungkot na karanasan upang maging aral sa hinaharap. At upang mapaunlad ang bawat isa sa inyo.
Hindi ibig sabihin na tanggap mo na wala na kayo ay wala na siyang puwang sa puso mo. Hindi ganun 'yun, may maliit na espasyo pa rin siya sa puso mo dahil minsang naging bahagi siya ng buhay mo.
Ang pagtanggap at paglimot ay katumbas ng pagkatuto. Matututunan mo sa sarili mo na hindi ibig sabihin ay nagtapos ang relasyon niyo ay doon na din magtatapos ang buhay pag-ibig mo.
Magsisilbi itong aral para sa panibagong yugto ng iyong buhay hanggang sa panahon na handa ka nang muling magmahal.
Moving-on
Unti-unti mong nakikita sa sarili mo na okey kana. Pilit mong ipinauunawa sa sarili mo na kaya mong malampasan ang lahat ng ito.
Minsan makakaramdam ka pa din ng kalungkutan pero naitutuon mo na ang sarili mo sa ibang bagay na nakakapagpasaya na sa iyo. Tulad ng pakikisalamuha sa mga kaibigan at pamilya.
Natututo ka na ulit na maglibang at mas napagtutuunan mo ng alagaan ang iyong sarili. Nagiging maganda na ang pananaw mo sa bawat araw na lumilipas at nagiging normal na ulit ang iyong buhay.
Recovery
Hindi matatapos ang iyong nakaraan kung walang magbubukas ng iyong puso para sa panibagong hinaharap.
Darating at darating ang panahon na mayroon muling isang tao na maghahatid sa'yo ng ngiti at inspirasyon. Sa panahon na ito, dito mo mare-realize na nakalimot kana sa nakaraan at handa ka nang muling maging masaya.
Hindi ibig sabihin na nabigo ka sa pag-ibig ng iyong nakaraan ay hindi mo na bibigyan ng pagkakataon ang sarili mo na muling magmahal.
Kailangan lang maging bukas ang iyong isip. Hindi rin ibig na dahil naka-recover ka na sa nakaraan mong relasyon ay hindi kana makararanas ng kabiguan sa bago mong minamahal.
Gamitin mo ang mga aral na natutunan mo sa mga nakaraang karanasan at gamitin mo ito upang mapaunlad ang iyong panibagong relasyon.
Ang mahalaga, 'wag hindi ka natakot na muling magmahal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento