Kahit libu-libo ang tao sa mundo mahirap maghanap ng tunay at pangmatagalan na kaibigan. Ngunit sa paghahanap ng kaibigan may mga kailangan kang malaman.
Ang tunay na kaibigan ay pinalalabas niya ang magaganda mong katanigan. Iyong laging nandiyan para sa'yo kahit sa kagipitan. Mas malapit pa sila sa isang tunay na kapatid, 'yan ang halimbawa ng tunay na kaibigan.
Mahirap makakita ng ganyang kaibigan. At kung ang laging nasa isip mo ay magustuhan ka ng lahat ay baka kung sinu-sino ang maging kaibigan mo.
Kaya paano ka pipili ng kaibigan?
Sabi nga, don't judge a book by its cover, tumingin ka sa pagkatao niya. Iyong mapagkakatiwalaan, iyong marunong magpatawad, at imbis na magalit nililimot niya ang pagkakamali.
Tandaan, hindi bale na isa lang ang kaibigan mo basta tunay kaysa marami nga, fake naman.
Para makakita ka ng tunay na kaibigan kailangan mong maghanap. Baka magulat ka andyan lang pala sila. Kailangan lang maging bukas ang isip mo.
Pero 'wag carbon copy mo lang ang pipiliin mo. Pwede mong maging kaibigan 'yung iba ang libangan o talent. Pwedeng matanda o mas bata kaysa sa'yo. Iba ang background o kultura.
Ang dami mong pwedeng maging kaibigan. Pero ang tunay na kaibigan ay may prinsipyo sa buhay.
May kaibigan ka ba na niloko ka? Ichinismis ka? o siniraan ka?
Hindi niya dapat ginawa iyon, kaya umiwas sa mga nakasasamang kaibigan. Ang habol nila ay iyong makukuha nila sa'yo.
Pinipintasan nila ang pagsasalita mo, ang itsura mo, at pati ang mga paniniwala mo. Hindi ganyan ang tunay na mga kaibigan.
Ang tunay na kaibigan ay tanggap nila kung sino ka. Kaya pumili ng mga marurunong na kaibigan. Hindi lang 'yung maraming alam kundi 'yung marunong sa buhay.
May paninindigan sila at makikita iyon sa kilos nila. May matututunan ka sa tunay na kaibigan. Tinutulungan ka nila na maging mas mabuting tao.
Paano ka magkakaroon ng mabuting kaibigan?
Huwag mong asahan na sila ang unang makikipagkaibigan. Ikaw ang mauna, gawin ang unang hakbang, makipag-usap ka.
Kailangan mong magsalita pero hindi puro tungkol sa sarili mo. Tanungin mo sila at makinig ka. Makinig ng mabuti. Pakikinig ang isa sa pinakamagandang maireregalo mo sa iyong kaibigan.
Ano pang gagawin mo?
Kailangan mong magsikap. Magsikap ka para lumago ang pagkakaibigan niyo. Maging kaibigan na tapat, hindi nagkikimkim ng galit, hindi nang-iiwan, kahit sa kagipitan. Kung ganyan ka, lalago ang pagkakaibigan niyo.
Ituon ang mata hindi lang sa sarili kundi sa kapakanan din ng iba. Ang pagpapakita ng malasakit at mabuting interes sa iba, 'yan ang tunay na kaibigan.
Alam mo marami ka pang makikilala. Nasa sa iyo kung sino ang pipiliin mong maging mga kaibigan. Maging matalino sa pagpili. Pumili ng mga tunay na kaibigan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento